Sabado, Agosto 22, 2015

Ang Agimat ni Agila
Ni: Andre Magpantay
http://i.ebayimg.com/00/s/NjAwWDYwMA==/z/I7AAAMXQeKNTOsUS/$_35.JPG                Noong unang panahon nang may kakayahan pang magsalita ang mga hayop, si Agila ang naghahari sa kalupaan, katubigan at sa alapaap. Taglay nya ang isang agimat na singsing na nagbibigay kakayahan sa nagtataglay nito ng katalinuhan. Siya ay ginagalang ng bawat isang hayop sa mundo.
                Isang araw, namataan ni Agila ang kanyang kababata na si Aso, siya ang kanyang inatasan na mag-ulat ng mga kaganapan sa mga hayop sa kalupaan.
                “Idineklara ni Liyon na simula ngayon ay siya na ang hari sa buong kagubatan, pinipilit nya ang lahat na siya ay sambahin,” ulat ni Aso.
                “Hindi ito maaari! Ako ang inatasan ng Gintong Agila ni Bathala na mamagitan sa lahat ng hayop!” pagalit nitong sinabi.
                “Ngunit sinabi nya na nakita nya ang Agimat ng Kalakasan, kaya siya ang may karapatang maghari sa lahat,” wika ni Aso.
                Ginamit ni Agila ang kanyang Agimat ng Katalinuhan upang malaman kung ano ang nararapat nyang gawin, at bigla nyang naisip na kailangan nyang makipaglaban kay Liyon at makuha ang agimat nito subalit kailangan nya munang itago ang kanyang sariling agimat upang hindi ito makuha ni Liyon kung sakali na sya ay matalo.
http://www.clker.com/cliparts/R/T/1/a/u/A/soaring-eagle-hi.png                “Ikaw Aso ay inaatasan kong alagaan ang agimat na ito, habang nakikipaglaban ako kay Liyon, sakaling ako ay matalo, na hindi naman mangyayari sapagkat ako ay nakakalipad, hindi ito mapapapunta sa kanya,” patapos na salita ni Agila.
                Nagtungo si Agila sa Mataas na Bato kung saan naghahari-harian si Liyon habang si Aso ay nagpunta sa ibang mga hayop upang ipagyabang ang agimat.
                “Mga kaibigan, hawak ko ang Agimat ng Katalinuhan, ako ang susunod nyong hari pag namatay na si Agila at si Liyon sa kanilang paglalaban. Hahahahaha!” sabi nito sa ibang mga hayop.
                “Ang yabang mo! Bumalik ka na sa pinanggalingan mo!” ani mga hayop sa kanya.
                Naglakbay muli si Aso. Si Agila naman at si Liyon ay nagtagpo sa Mataas na Bato.
                “Liyon! Ano itong naririnig ko na naghahariharian ka daw!”  sabi ni Agila.  “Kung totoo ito, ikaw ay hinahamon ko sa isang labanan.”
                “Hindi kita uurungan, hawak ko ang Agimat ng Kalakasan,” sagot ni Liyon.
                At naglaban nga ang dalawa. Nahirapan si Agila sa sobrang lakas ni Liyon, subalit siya ay nakakalamang dahil hindi siya kayang abutin ni Liyon. Nagawan ng paraan ni Agila upang matanggal kay Liyon ang kwintas na agimat nito. Tumalsik ang agimat sa isang malapit na sapa.
                Nagunahan ang dalawa subalit hindi kaya ni Agila na pumunta sa tubig habang si Liyon ay tumalon at kinuha ang agimat sa pamamagitan ng bibig. Nang nakabalik si Liyon sa lupa, nalunok nito ang agimat.
“Hahahaha, ngayon ay wala ka nang agimat,” natatawang sinabi ni Agila at agad-agad itong umatake. Nahawakan ni Liyon ang pakpak ni Agila, nagtaka si Agila sa biglang pagdagdag ng lakas ni Liyon at nang siya ay ihagis ni Liyon agad syang lumipad palayo. Mula noon si Liyon ang naging hari ng kalupaan.
Hinanap ni Agila si Aso, sa ikapitong araw ay nakita niya ito na naghuhukay, hindi ito mapakali sa paghuhukay sa lupa. Nakita ni Aso at sinabi:
“Patawad kamahalan nawala ko ang singsing,” nagsisising wika ni Aso.
Hindi na nagsalita si Agila, at inatake nito si Aso na hindi naman pinagtanggol ang kanyang sarili. Makatapos ang ilang oras tumigil ito habang si Aso ay puno ng galos at sugat sa nangyaring pag-atake.
Biglang sumayaw ang araw at isang ibon ang bumaba sa langit na nagbibigay ng gintong ilaw sa paligid. Agad-agad itong nakilala ni Agila, ito ang kanyang ninuno, ang Gintong Agila ni Bathala.
“Ikaw Agila ay nagkasala, hindi ka natutong magpatawad, masyado kang mapanakit at pinatunayan mo na hindi ka karapat-dapat sa agimat,” kalma nitong sinabi. “Dahil dyan, ikaw ay tinatanggalan ko ng kapangyarihang mamuno sa mga hayop.
“Tatanggapin ko po ang parusa,” sagot ni Agila
“At ikaw naman Aso, iwinala mo  ang agimat, dahil dito, mawawala rin ang katalinuhan ng lahat ng hayop,” dagdag ng Gintong Agila. “Hindi na kayo matututong mag-isip ng malalim, mawawala ang lahat ng kwento tungkol sa inyo, magtatapos ang lahat ng pabula, at hindi na rin kayo makakapagsalita hanggang hindi nakikita ang agimat.”
Naglaho ang Gintong Agila, at natupad ang mga sinabi nito.

                Hanggang ngayon, hinahanap parin ni Aso at ng kanyang mga anak, at apo ang Agimat ng Pagasasalita, patuloy pa rin silang naghuhukay at muling umaasa na maibalik ang biyaya ng pagsasalita ng buong kahayupan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

I was not born to love Cursed to travel and stay On the peak of the world's highest mountain Up there I saw how the world works But...